Akala Ko Madali Lang Yumaman… Pero Ano Ang Nawala?

Kamakailan lang nawalan ng hanapbuhay ang padre de pamilya na si Gido dahil sa pagkalugi ng kumpanyang pinapasukan niya sanhi ng pandemya. Ito ang dahilan kaya't labis siyang nag-alala kung paano mapupunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.

Sinubukan niyang maghanap muli ng trabaho, kahit bilang isang serbidor sa isang kainan, nag-apply din siyang maging panadero sa isang panaderya, at sumubok pa ng iba’t ibang trabaho. Ngunit, sa lahat ng mga tindahan, kainan, at kompanyang inapplyan niya, walang tumanggap sa kanya dahil sa mababang kita ngayong pandemya.

Nang wala na siyang makitang ibang oportunidad, naisipan niyang humingi ng tulong sa mga kaibigan. Napapansin niyang panay ang post nila sa social media ng malaking pera at masasarap na pagkaing binibili para sa kanilang mga anak.

"Pare, anong sideline mo ngayon? Napansin ko ang dami mong kinikita. Baka naman puwede mo akong tulungan para kumita rin," tanong niya.

"Wala akong regular na trabaho, pare! Nagsasabong lang ako! Swabe naman akong pumili ng manok kaya nagkakapera ako. Subukan mo rin, baka palarin ka!" suhestiyon ng kaibigan, na labis na ikina-excite niya.

"Masubukan nga 'yan! Pero, limampung libong piso na lang ang natitira sa ipon ko. Puwede na kaya ‘yon?" tanong niya.

"Kayang-kaya na ‘yan! Kung isusugal mo lahat, malaki ang balik sa'yo kapag nanalo ka!" sagot ng kaibigan, kaya’t dali-dali siyang nagtungo sa bangko para kunin ang lahat ng natitirang pera.

Pagkauwi, nagulat ang kaniyang asawa nang makita ang perang hawak niya.

"Anong gagawin mo riyan?" tanong ng asawa niya.

"Ah, mahal, malaki ang kinikita ng kumpare ko sa sabong. Susubukan ko sanang palaguin ito. Baka swertehin tayo," paliwanag niya habang inihahanda ang selpon upang makapagtaya na.

"Diyos ko, Gido! Inegosyo na lang natin ‘yan kaysa isugal mo! Sa halagang ‘yan, puwede na tayong magtayo ng water station. Ayos lang na matagalan kumita kaysa naman ubusin mo kapag natalo ka!" pangaral ng asawa, pero sa halip na makinig, tuloy-tuloy siyang umalis ng bahay at nagpunta sa sabungan.

Pinilit man siyang pigilan ng asawa, siya pa ang nagalit kaya’t napilitang hayaan na lamang siya nitong gawin ang gusto niya.

Nang makapunta siya sa sabungan, itinaya niya ang lahat ng perang dala. Habang naghihintay na manalo ang kanyang manok, panay ang dasal niya na manalo ito para makapagtayo sila ng negosyo.

Ngunit, tulad ng takot ng asawa niya, natalo ang manok na pinili niya. Ni isang kusing, wala siyang naiuwi, dahilan para siya’y manghina. Halos mawalan siya ng pag-asa kung paano mababawi ang perang nawala.

Umiiyak niyang ipinagtapat ito sa kanyang asawa na wala ring nagawa kundi umiyak dahil sa labis na panghihinayang.

Doon napagtanto ni Gido na walang madaling daan tungo sa maginhawang buhay, tulad ng sinabi ng kanyang asawa.

Bagamat durog ang kanyang puso habang naririnig ang paghagulhol ng kanyang asawa na nag-aalala kung anong kakainin nila kinabukasan, nagdesisyon siyang muling maghanap ng paraan upang bumangon.

"Hindi ako puwedeng basta sumuko. Ako ang may kasalanan kaya’t ako rin ang maghahanap ng solusyon para wakasan ang paghihirap namin," bulong niya habang iniikot ang kanyang mga mata sa kanilang barangay.

Naisip niyang pumasada ng pedicab, at nang malaman niyang may nagpapaupa ng pedicab sa halagang kwarenta pesos, agad niya itong kinuha at nagsikap na makakuha ng mga pasahero.

Kinagabihan, hindi maipinta ang ngiti niya nang makalikom siya ng dalawang daang piso, agad niya itong iniabot sa kaniyang asawa.

"Pangkain natin ‘yan bukas, mahal. Huwag kang mag-alala, makakaahon din tayo," pangako niya, at simula noon, patuloy niyang ginamit ang kanyang lakas at sipag upang maiangat ang kanilang buhay.

Kapag may sobrang kinita, iniipon ito ng asawa niya hanggang sa makaipon sila ng sapat na kapital para sa isang maliit na sari-sari store.

Sa ganitong paraan, unti-unti nilang natugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan hanggang sa muli siyang makahanap ng trabaho sa Maynila at mabawi ang perang naipatalo sa sabong.

At kahit nakapag-ipon na siya muli ng malaking halaga dahil sa kanyang bagong trabaho, hindi na muling sumagi sa isip niya ang pagsusugal. Sa halip, tinuloy niya ang plano ng asawa na magtayo ng water station, na nagbigay pa ng higit na kasaganaan sa kanilang pamilya.