Hindi na maatim ni Myrna na masaksihan ang paghihirap ng kanyang buong pamilya. Natanggal kasi ang kanyang ama sa trabaho. Dahil may edad na siya, nahihirapan na ring makahanap ng bagong trabaho.
Isa sa mga pinakamalaking gastos ay ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Kaya naman, nagdesisyon siyang magsakripisyo upang makatulong.
"Anak, huwag mo nang aksayahin ang oras. Dalawang taon na lang at matatapos ka na rin ng kolehiyo. Huwag ka nang mag-alala sa amin ng tatay mo, igagapang namin ang pag-aaral n’yong magkakapatid. Plano nga naming itigil muna ang pag-aaral ng mga kapatid mo para matuloy-tuloy ang pag-aaral mo,” sabi ng kanyang inang si Sylvia.
“Bilang panganay, nay, ako na lang po ang titigil sa pag-aaral. Tutulungan ko na lang po kayo. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. Nagtanong na rin po ako sa mga kaibigan kong nagtatrabaho sa ibang bansa. Naghahanap daw po sila ng domestic helper sa pamilyang pinaglilingkuran nila. Ipapasok daw po nila ako,” sabi ni Myrna.
Sinubukan siyang pigilan ng kanyang ina, ngunit buo na ang desisyon ni Myrna na umalis. Nagpasalamat naman ang mag-asawa sa kabutihan ng kanilang anak.
Pagdating ng unang buwan ni Myrna sa ibang bansa bilang domestic helper, ipinadala na niya ang lahat ng kanyang kinita sa kanyang pamilya.
“Paglaanan n’yo po ang pag-aaral ng mga kapatid ko, Nay. Kapag sila ay nakatapos, babalik ako sa kolehiyo para makapagtapos din ako at hindi habang buhay mangamuhan dito,” sabi ni Myrna.
“Maraming salamat, anak. Ikaw pa tuloy ang nagdusa sa mga responsibilidad namin ng tatay mo. Huwag kang mag-alala, titipirin ko ang perang ipinadala mo para makaipon ka rin,” dagdag ng kanyang ina.
Walang problema ito kay Myrna. Masaya na siyang makatulong sa kanyang pamilya. Sa loob ng ilang taon, binibigay niya ang lahat ng sahod niya sa Pilipinas. Napansin ito ng kanyang mga kasamahang domestic helper.
“Ibang klase ka, Myrna! Buong sahod talaga ang ibinibigay mo sa mga magulang mo? Sarap ng buhay ng pamilya mo dahil may taga-kayod sila,” sabi ng kaibigang si Daisy.
“Matindi rin naman ang sakripisyo ng mga magulang ko para sa aming magkakapatid. Kaya sinusuklian ko lang ang pagmamahal nila sa amin,” sagot ni Myrna.
“Alam mo, ang mga magulang, gagawa ng anak, bubuhayin, pag-aaralin, tapos ay ibibigay sa iyo ang lahat ng responsibilidad. Parang malaking utang na loob ang ginawa nila, kahit hindi naman natin ginusto ang buhay na ito. Responsibilidad nila iyon sa atin,” sabi ni Daisy.
“Hindi naman sila nanunumbat sa akin. Gusto ko lang talagang tumulong,” muling sagot ni Myrna.
“Ganyan din ako noon, Myrna. Lahat ng ginagawa ko rito ay para sa pamilya ko. Kayod kalabaw kahit pagod na pagod at walang pahinga. Lalaban para mabigyan sila ng magandang buhay. Pero ano ang kapalit? Winawaldas ng kuya ko ang lahat ng padala ko, nalulong sa sugal ang tatay ko, at ang nanay ko ay puro hingi ng panggastos. Kung hindi mo pagbigyan, galit pa at nagtatampo! Kaya simula noon, bumibili na ako para sa sarili ko. Hindi mo rin alam kung hanggang kailan tayo rito. Paano na lang kung may mangyaring masama? Aalagaan ba nila tayo?” reklamo ng kaibigan.
Naisip ni Myrna ang mga sinabi ni Daisy. Lalo na kapag nakikita niyang may mga bagong gamit ang kanyang mga kapatid. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit. Sa tingin niya, masarap nga ang buhay ng kanyang pamilya dahil sa kanyang sakripisyo.
Isang araw, sumama siya kay Daisy sa mall. Marami siyang gustong bilhin, pero iniisip niya pa rin ang budget para sa pamilya.
“O, bakit mo ibinalik ang bag? Bagay na bagay ‘yan sa iyo!” tanong ni Daisy.
“Tumawag sina Nanay kahapon. Kailangan daw nila ng pera dahil may bayarin na naman. Uunahin ko na lang muna ‘yun. Hindi ko rin naman magagamit ang bag na ito,” malungkot na sabi ni Myrna.
“Minsan ka lang bumili para sa sarili mo. Hayaan mo na silang gumawa ng paraan para sa sarili nila. Maglaan ka ng budget. Kung sumobra ang gastos nila, problema na nila ‘yun! Hinahayaan mo kasi silang umasa lang sa iyo. Hindi ka ba naiinggit sa kanila na nagagawa nila ang gusto nila? Hindi sila napapagod tulad natin dito!” sabi ng kaibigan.
Gusto na sanang bilhin ni Myrna ang bag, pero nanaig pa rin ang kanyang pagtulong sa pamilya.
Kinabukasan, tumawag muli si Sylvia upang ipaalala sa anak ang pagpapadala ng pera. Kahit may sama ng loob, magalang pa rin siyang sumagot.
Maaga siyang nagpadala kinabukasan.
Hanggang isang araw, nakita niya ang post ng kapatid sa social media na nasa isang mamahaling cafe.
“Buti pa sila, kayang-kayang mag-enjoy! Samantalang ako, tinitipid ang sarili. Ni hindi makabili ng bagong damit,” sabi niya sa sarili.
Dahil sa mga sinasabi ni Daisy, unti-unting nagkakaroon ng sama ng loob si Myrna sa pamilya. Hanggang sa nasawi ang kanilang amo, kaya kailangan nilang bumalik sa Pilipinas.
Hindi pa ito nasasabi ni Myrna sa pamilya. Alam niyang madidismaya sila. Wala rin siyang ipon.
Nagring ang telepono. Napasimangot siya nang makita ang pangalan ng ina.
“Ano na naman ‘yan, Nay? Manghihingi na naman po ba kayo? Wala na akong pera! Wala na akong trabaho! Wala na kayong mapapala sa akin!” sigaw ni Myrna.
“Anak, hindi naman ‘yan ang dahilan ng tawag ko. Gusto ko lang malaman kung kailan ka uuwi. Ngayong wala ka nang trabaho, maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang mag-alala sa amin,” sabi ni Sylvia.
Mabigat man ang loob, umuwi si Myrna sa Pilipinas. Wala na rin siyang magagawa pa.
Buong pamilya ang sumundo sa kanya sa paliparan. Tahimik silang lahat. Alam nilang may sama pa rin ng loob si Myrna.
Pagbaba pa lang ng sasakyan, napansin na ni Myrna ang kakaiba sa kanilang tahanan.
“Ano'ng nangyari sa bahay natin? Nasaan na ang lumang bahay natin?” pagtataka ni Myrna nang makita ang magandang bahay na nakatayo.
“Iyan ang dahilan kung bakit pinapauwi ka na namin. Ayos na ang lahat, anak. Lahat ng padala mo ay nilaan namin sa pagpapaganda ng bahay. May tindahan na rin tayo. Nalaman ng mga kapatid mo ang sakripisyo mo, kaya gumawa rin sila ng paraan para makapag-aral. Ang tatay mo ay nagpatuloy sa paghahanap ng trabaho. Inipon ko rin ang ibang pera mo para makabalik ka sa pag-aaral. Maraming salamat, anak. Ito na ang lahat ng pinaghirapan mo,” sabi ni Sylvia.
Napaluha si Myrna at niyakap ang kanyang mga magulang.
“May mga pagkakataon na nag-isip ako ng hindi maganda sa inyo. Patawad! Hindi ko akalain na ganito pala ang ginagawa ninyo para sa akin!” humahagulgol na sabi ni Myrna.
Dahil sa naipong pera, nakabalik si Myrna sa pag-aaral. Kay sarap sa pakiramdam na makita niyang bawat miyembro ng pamilya ay nagsusumikap upang umunlad ang kanilang buhay.
Ito ang nagbigay lalo ng inspirasyon kay Myrna upang magtagumpay sa buhay.